

OVERVIEW
Hindi kaila sa atin ang patuloy na paglala ng kalamidad at sakuna na dumarating sa ating kapuluan taun-taon bunga ng tinatawag nating “Climate Change”. Epekto ito ng makabagong teknolohiya, industriyalisasyon at patuloy na pang-aabuso ng iilan, sa ating kalikasan at kapaligiran.
Malaki ang magagawa natin upang maisalba at maibalik sa dating anyo at kasaganahan ang ating Inang Kalikasan. Kasabay ng hakbang na ito, ang kaligtasan at seguridad ng buhay, hindi lamang ng ating mga sarili at kapamilya, kundi pati na rin ng buhay ng bawat bata at paslit ng mga susunod pang salinlahi.
Isang malaking hamon ang usaping ito, kaya bilang tugon, ibinabahagi namin ang babasahin na ito upang maturuan kayo ng mga dapat at di-dapat gawin sa panahon ng matinding sakuna at kalamidad gayundin ang mga tamang pamamaraan upvang masiguro ang kaligtasan ng buhay mo at ng buong kasamahan mo.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng matinding pagsuporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna, sa ilalim ng aking pamumuno, sa mga makabuluhang adhikain ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO). Dahil naniniwala po kami, na ang buhay ng bawat mamamayang Lagunense ay mahalaga at nararapat lamang na bigyan ng prayoridad upang mapangalagaan ng husto at mabigyan ng kaukulang proteksyon. Dahil ang buhay mo, ay kasinghalaga ng buhay ko at ng bawat isa sa atin.
Kaya, maglaan po tayo ng oras na basahin, pag-aralan at unawain ang bawat detalye na nilalaman ng babasahing ito. Dahil dito nakasalalay ang kaligtasan mo, ng iyong pamilya, mahal sa buhay at kapwa natin Pilipino.
Kaya, palakasin at palawakin pa natin ang ating pagkakaisa at pagtutulungan, upang sama-sama nating makamtam ang pinakaaasam na tagumpay ng bawat mithiin natin para sa kapakanan at ikaaangat ng Sambayanan.
